Friday, October 07, 2005

editorial pae, SAKSI (08OKT05)

October 8 - Saturday

Hit ListNi Danny Gravador

Head:H-way crime

MALALAKAS ang loob ng mga kawatang gumagala sa kahabaan ng McArthur Highway sa Bulacan mula sa Meycauayan hanggang sa mga bayan ng Marilao, Balagtas at Bocaue.Walang pinipiling oras ang masasamang elementong ito at kahit katanghaliang tapat ay umaatake sila sa kanilang bibiktimahin na karamihan ay mga estudyante sa mga paaralang pampubliko at pribado.Tinatarget ng mga dorobong ito ang suot na alahas ng mga kabataang mag-aaral o kaya'y ang dala-dalang cellphone .Kadalasang nagaganap ang mga ganitong pangyayari sa Meycauayan Crossing, sa kanto ng Bocaue, sa harap ng palengke ng Balagtas at sa Sta. Maria by-pass.Matamang sinusubaybayan ng sindikatong ito ng mga dorobo ang kanilang bibiktimahin at kapag napag-isa ito sa karamihan ng tao ay pagsasalikupan nila at saka tutukan ng patalim hanggang sa matinding takot ng biktima ay kusa na niyang ibinibigay ang kanyang mga alahas o cellphone.Kung minsan naman ay may dalang motorsiklo ang grupong ito na ang gawain ay hablutin ang anumang bagay na mapapakinabangan sa biktima at saka sisibat palayo.Sapi-sapin na ang mga ganitong blotter sa mga police station sa naturang mga bayan subalit tila natutulog sa pansitan ang pulisya.Kaya nga nagaganap ang ganitong pangdarambong sa mga lansangan ay dahil kulang na kulang sa police visibility gayong tadtad na sila ng reklamo sa mga ganitong modus operandi.
---**--Pero nasa magulang din ang isang malaking dahilan kung bakit napapasuong sa ganitong bagay ang kanilang mga anak na mag-aaral dahil alam naman nilang maraming masasamang elemento ang gumagala ngayon sa kapaligiran, subalit hindi pinagbabawalan ang kanilang mga anak na magsuot ng alahas o magdala ng cellphone papasok sa paaralan.Marami na ring reklamo ang tinanggap ng inyong lingkod hinggil sa bagay na ito kaya paalala rin sa magulang at mag-aaral ang hangad natin.Hihintayin pa ba ninyo na isa sa mga anak ninyoang maging biktima ng mga dorobong ito sa lansangan? Magsikilos naman kayo riyan!
-30-
Tirada Ni Joey Inot

Head:Meycauayan

TATLONG malalaking pangalan sa Meycauayan ang posibleng lumahok sa labanan sa pulitika sa nasabing bayan sa darating na halalan sa 2007. Matatapos na kasi ang termino ni Mayor Eddie Alarilla sa nasabing taon kaya marami ang kakasa sa nasabing posisyon.Isa sa mga baguhang political contender sa mayoral race ay ang Unang Ginang ng Meycauayan na si Joan Alarilla. Balita rin na lalahok rin daw sa mayoral race si Vice Mayor Dennies Carlos at ang first councilor ng Meycauayan na si Konsehal Kaloy Milan.Ganyan talaga sa pulitika, kasalukuyang pinupulsuhan ng mga manghahalal sa nasabing bayan kung sino ang karapat-dapat na mamumuno sa kanilang bayan kapag natapos na ang tatlong termino ni Mayor Alarilla.Alam naman natin ang labanan sa pulitika ngayon. Bukod sa popularidad ay kailangan pa rin ang 'logistics' ibig kong sabihin, kung wala kang sapat na salaping panggastos sa pulitika ay huwag ka na lang lumaban.
----**--Kung bakit kasi 'perahan' na ang takbo ng pulitika sa kasalukuyan. Nasanay na ang mga botante na sa panahon ng eleksiyon ay may mga pulitikong namumudmod ng pera.Ayaw sanang gawin ito ng mga kandidato pero napipilitan silang magpamigay ng pera dahil karamihan sa mga botante ay mukhang salapi. Hindi rin naman masisisi ang mga botante kung tumanggap man sila ng pera dahil ito na raw ang kalakaran ngayon.Hindi ito magandang ehemplo, pero paano naman ang gagawin ng isang kandidato para siya ay manalo? Kung ang kalaban niya ay handang magtapon ng salapi para manalo, papayag ba naman ang kanyang mga kalaban na maghalukipkip na lang?
-30-
KasanggaNi Mario Batuigas

Head:Kapitan

TALAGANG matutuloy na raw sa Oktubre 2007 ang halalang pambarangay, sana naman para tuluyan nang mapalitan ang mga abusado at korap na opisyal ng barangay.Kung hindi sana nagkaroon ng pag-amyenda ang Kongreso sa Konstitusyon natin, sana nitong Oktubre 2005 ay matutuloy na ang halalang pambarangay, subalit iginiit ng Kongreso na walang badyet kung kaya sa 2007 na lamang ito gaganapin.Sobra na ang pagkasabik ng ating mga kababayan na matuloy ang eleksyon para makapili na sila ng karapat-dapat na manunungkulan sa kanilang barangay.Ang atin lamang panawagan sa ating mga kababayan ay pumili ng karapat-dapat na umupo at mamuno sa kanilang barangay, hindi iyon nabigyan mo lamang ng konting grasya ay iboboto na niya ang kandidatong bulok at mangungurakot.Hindi ba ninyo alam na ang ibinigay ng pulitko sa inyong konting grasya ay babawiin din niya ito sa kanyang panunungkulan.Katulad na lamang diyan sa Sapang Palay, San Jose del Monte , Bulacan na ang kanilang kapitan ay masasabing iskuwater dahil walang sariling bahay at nangungupahan lamang ito.Ang nakapagtataka simula nang manungkulan ang pinuno ng barangay na ito ay biglang nagkaroon ng award ng lupa sa NHA, gayung marami sa ating mga kababayan ang nararapat na magkaroon ng sariling lupa lalo na iyong mahihirap.Sinamantala na ng kapitan na ito ang kanyang kapangyarihan, pati ang kanyang kagawad na produkto lamang ng pandaraya ay nagkaroon din ng sariling award sa NHA matapos na dumikit ng husto kay Kap.Desperado na ang Kapitan na ito, akalain ninyong kumita lamang ng kakarampot mula sa kanyang programang basura ipagpapalit na nito ang kalusugan ng kanyang mga constituent.Palibhasa wala kang sariling bahay lintek , kaya pursigido kang tapunan ng basura ang harap ng maraming kabahayan.Tinitiyak ng mga residente na hindi ito mananalo sa susunod na halalan dahil sa pagyurak at paglapastangan nito sa pagkatao at kalusugan ng mamamayan.---**--May isa pang pumupormang tatakbong Kapitan sa area-B, ang hindi alam ng mga residente, sakaling manalo ang taong ito bilang punong barangay, tiyak pulos kinokolektahan sa iba't ibang lugar sa Metro Manila at lalawigan.Paano na kung maging kapitan ang taong ito, kung sa ibang lugar nagagawa na mambraso sa mga tulak ng droga, illegal logging operators at gambling lord, eh di lalo nitong magagawa ang kanyang kalokohan sa kanyang sariling barangay.Kaya roon sa ating mga kababayan sa area-B, mag-isip kayo ng maraming beses bago kayo magdesisyon na iboto ang mga taong ito.
-30-
editorial

head:Marahas

MASYADONG madudugo ngayon ang dispersal operation kontra sa mga nagpoprotesta.Hindi na kasi ipinatutupad ang maximum tolerance at wala na silang paggalang sa kalayaan sa pamamahayag na pinoproteksiyunan ng Saligang Batas.Higit na mapait ang mararanasan ng mga ralista kapag ipinatupad ang "Anti- Terrorism Bill" dahil mas mabangis ito kaysa sa pinairal na Martial Law ni dating Pangulong Marcos.Ang mga batas na pinagtitibay sa ngayon, ay hindi upang magkaroon ng trabaho at pagkain ang ordinaryong tao kundi kung paano MANANATILI sa Malacanang ang mga kasalukuyang may kontrol nito.Kaawa-awa talaga si Juan.
----30--

0 Comments:

Post a Comment

<< Home